Tuesday, June 30, 2009



miyerkules

wash day bukas
maisusuot ko na naman
ang original kong T-shirt
na Burberry, ang pantalong Guess
na regalo sakin ni 'tol galing tate,
ang limited edition na LV
na sapatos na padala
ni erpat mula London, ang medyas kong
Topshop at ang
brip kong Armani Exchange.

wash day bukas,
sana palagi na lang miyerkules.


hunos

habang minsan
ang daluhoy ng paglisan
ay di mabilang sa ulap.

nagmamartsa ang samot-saring
bakas ng kahapon.
binabalikan.
binabangon ang kahapong
minsang nagdulo't
ng luha't pasakit
sa pagal niyang puso.

nangangalumbaba ang hunos
na palaot na magbubukas
sa isang pusikit na karimlan...

upang lubos na malasap
ang kadiliman.


burgis

nagbabadya ang kanlurang umulan
makulimlim ang ulap sa silangang bahagi

naglalakad ang itim na belong ulap
papasakop sa papawirin
matulin na animo'y nakikipagkakrerahan
sa liwanag na siwang
na lang na anino ang pilit
na nakikisilip.

malakas ang pwersa ng kanlurang ulan
unti-unti na n'yang naaabot
ang dulo sa hilaga at katimogang
bahagi.
unat na animo'y magkakatabing-usok
na namuo sa kalangitan.

eto na!
nararamdaman ko na sa bukas
kung balat ang pagbulusok
ng kumpol-kumpol
paunti-unting pagbuhos
ng ulan.

mula konti hanggang tuluyan
na nitong diligin ang
mapagpalayang kapaligiran.

ewan kung kelan matatapos
ang kanlurang ulan.
Alam ko titila rin eto
at kusang babalik.

hindi ko nga lang alam
baka sa makalawa
baka mamaya
baka bukas
ewan...

Monday, June 29, 2009



metropolitan

mula sa kung saang liwanag
iwinagayway nya ang kurtinang humawi
sa siwang ng liwanag na kanina pa'y
nakikipagpatenteruhan sa hanging
paunti-unting sumisilip sa entablado.

kasabay ng mga langitngit ng kahoy
at huni ng ibong napapalibutan na
tila baga'y nag-aanyaya at nagsasabing
magsisimula na ang isang malaking
palabas.

Habang ang simoy ng hanging
nagbibigay ng kakaibang pakiramdam
nagpapahiwatig ng isang lugar na miminsan
di man lang malingunan at mabisita ng mga
manonood.

Nakikiramdam ang paligid
ang katahimika'y nagdudulot ng
isang libong kasawian,
nagbabadya ang silangang papawirin ng
senyales na ang unos ay paparating.

nagawitan ang mga ibon
sumayaw ang mga kurtinang napagod
sa kakasilip sa siwang ng bintanang kapis
lumipad ang mga agiw sa
kisameng nagsisilbing chandelier
nawalan ng kapit at lakas ang mga tuyong
dahong nagsilbing adorno sa bilugang
bahagi ng entablado
kasabay ng paunti-unting pagbulusok
ng mumunting diyametro ng ulan
ang pag-asang muling aawit
at liliwanag ang minsang tinaguriang
tahanan ng bituin
ang metropolitan.

Sunday, June 14, 2009



sakahanduanes

simputi ng perlas at
kinang ng bituin ang
abuab sa Catanduanes

sing-itim ng uling at
labo ng putik ang
inaagiwan na budhi

singkinis ng hibla at
lamyos ng silhuweto ang
tabas ng abaka sa Norte

singgaspang ng buni at
tigas ng bato ang ganid
dito sa Timog

singhaba ng habi at
singtibay ng uway ang bawat pasing
hinugot sa tugod ng sakahan

singliit ng tungaw at
singrupok ng nakababad na kahoy ang por kilo
katumbas ng sikad at usong ng magsasaka

singdami ng uhay at
singsidhi ng supnit ang
bawat impit sa angkla ng butungan

dumaraing sa sakit
ng hinaing ng pagpapakasakit.
Makikinig na lang ba tayo?


Ilog

Tatlong pares ng paang sumisisid
sa maitim na ilog.

kulay uling na yupi-yuping
retasong yero, kalawanging
arinola, baling tubo na pasungawan
sa poso-negro, sumbrero ng pulis
(kulay-ilog), biyak na plywood,
paspas na sipit ng tsinelas na kulay
bughaw.

Tatlong hubad na dibdib na katawang
nakikiayon sa agos ng tubig.
Hakbang na alam na alam ang
direksyon ng paa kung saan meron.

Patpating dibdib, pusyaw na
balat, walang lapis at papel na
mababanaag sa kanyang mata.

Naghihintay sa daungan ang
barkong styrofoam sa loob ng
binugkos na sako na sa unahan ay
ang timong goma na magsisilbing
giya sa kanyang paroroonan.


ferry boat

sa bawat usad at ikot ng timon
sa bawat along sumalpok at humalik sa tagiliran
sa bawat singaw ng init at sangsang ng amoy
sa bawat dikit ng punit at sagi ng dibdib
sa bawat likot ng hinaharap at umbok ng suso
sa bawat imbay ng balakang at indak ng katawan
sa bawat padyak at hakbang ng paa
sa bawat duyan at kumpol ng mga along humampas
sa bawat hapdi ng alat na walang habas makipagniig sa hubad kong dibdib
sa bawat bagyong aming sinuong sa paglayag
sa bawat unang sinag ng araw na lumipas

malaya ko pa bang maaaninag ang pier
na aking dadaungan.


tsismis

hindi ko alam
basta nakikita ko
bawat bibig nila'y
nakabuka.
bawat kamay
nakakumpas
mga matang
umiikot.
nakatalukbong na
siko sa mesa.
ngingiti...
tataas ang kilay
maya-maya'y hahampasin
ang balika't ng katabi.
(ewan ko pero
nagtataka ako)
para silang mga
inahing manok
na putak nang
putak. Ewan ko
pero nagtataka
ako kung may
katuturan nga
ba nag bawat
salitang lumabas
sa kanilang bibig
na alam kong
wala naman.
entablado

ilang oras na lang
muling bubukas
ang telon.


ilaladlad ang
makapal na kurtinang
nagsilbing takip
sa mahabang "screen".
ramdam ko ang kaba
sa muling pag-apak
sa malamig na semento
sa entablado.
muli kong maririnig ang mga tinig
ng manonood.
humihiyaw
bawat isa'y
pumapalakpak
sa bawat eksenang
inilalahad.
lahat may mga
sariling paborito
sa kung sino ang may
kakaibang pagganap
sa karakter na kanyang
ginagampanan.

naririnig ko pa rin
ang pagtipak ng
malaking relong
nakasabit sa
"backstage", maya-maya'y
tinawag kami at
sabay-sabay naghawak
kamay at bumuo ng isang bilog.

tumungo at humiling
na gabayan ang aming
palabas, kaipala'y
unti-unti nang bumubukas ang
maliwanag na entablado
hudyat na magsisimula na
ang palabas.