
spillway
isang kalawanging lata
ng sardinas na may bulateng
dahan-dahang gumapang
sa gilid tangan ang itim na
lupang mula sa ilalim ng
kulungan ng manok sa
likurang bahagi ng bahay
isang dosenang bingwit
na yari sa isang metrong
kawayang mula sa dulo'y
nakalawit ang pisi ng nylon
na tila ahas na nakapulupot
sa puno na sa dulo ay ang
makamandag na pain
isang pares ng pudpod
na tsinelas na naglalakad
sa paliko-likong pilapil
kasabay sa minsa'y
pagtiklop sa mga bulateng
nagpupumiglas maka-alpas
sa bibig ng kalawanging lata
itinukod sa lupa paitaas
ang bingwit na nakalambitin
sa ere ang nylon sabay dura
sa paing bulate tsaka ihinagis
sa tulog na spillway at dahan
dahang itinungod ang dulo
ng kawayan upang mas
malalim ang paing sumisid
at iwagayway ang pain
isang pares ng matang
nakikiramdam sa kilos at
galaw ng nylong nakakabit
sa kawayan senyales ang
paunti-unting lagaslas at unat
sabay hawak sa kawayan na
tila estatwang bilang ang
bawat sasal sa dibdib na
ang mata'y nakatutok sa
galaw ng nylong mula sa
pulso'y biglang pwersang
hatak sa hanging lumambitin
sa nakasabit sa pain
ang huling tilapia.
may ulam na kami
mamayang gabi.