Thursday, March 5, 2009

hangos

nakatanaw sa kawalan
nakatingin sa bawat along
humahampas sa paanan
nang pagal n'yang binting
humulma pa ang disenyo ng medyas
sa maghapong nakakulong
sa masikip n'yang chuck taylor
na sapatos...

kanina'y...
di n'ya alintana ang lamyos ng hanging
unti-unting humahalik sa maputlang paa
habang dali-dali n'ya itong hinubad
patungo sa gilid ng dalampasigan.

habang tuluyang nilamon ng hangin
ang mga paang anim na raang minutong
nagsumiksik sa makipot at madilim
na bartolena.

kanina'y...
dahan-dahang bumulusok sa maitim
na buhanginan ang paang nagpugay
muna sa pintuan ng karagatan bago tuluyang
kinain ng maliliit na buhanging nagbibigay
nang kakaibang init na tumatagos
sa kaibuturan taliwas
sa bartolena.

kanina'y...
habang umangat bumaon
ang pagal n'yang paa sa pintuan
patungo sa rurok ng ilalim
ng malilit na buhanging
nagdudulot ng init na tumatagos at
nangdadarang hanggang sa tuluyang
mapagod sa paulit-ulit na
tila bagang mga alon ng dagat na
sumusunod sa lakas ng hanging
di alintana ang mga hampas
kung saan at kung kanino
hahalik ang pagal
na paa.

ngayon...
habang makailang beses mang
tila mga uhaw sa paghalik ang mga piping
along nag-uunahang makadampi sa
nangungulubot na paang sanhi ng mga
buhanging walang habas na nakipagsabayan
sa indak ng along ewan kung saan
dadalhin ang pagal na paa hanggang sa
sumalampak sa isang punong inanod
sa gilid ng dalampasigang
nag-aanyayang iwagayway at
iwagaswas ang paang kanina'y nakikipagharutan
sa takbo ng panahon.

tahimik ang dagat.
walang along nakikipagpatinteruhang makarating sa pampang.
pumipito.
humahangos.
kasabay ng pagwagayway ng paang naghihintay
sa kung kelan parating
ang alon.