Tuesday, July 6, 2010

kawalan



ganito na naman ako
nakatingin sa kawalan
naglalakbay ang diwa sa iba't-ibang dimensyon
nag-iisip...
lumilipad...

umiikot ang itim na mata nang
isangdaan at walumpong anggulo

nasaan na naman ang aking sarili?

nawawalan na naman ng
huwisyo kung ano ang gagawin,
nag-iisip ng mga bagay na
malabong tingnan

walang mukha
animo'y mga tagpi-tagping
senaryong nagpupumiglas

makawala
nag-uunahan

walang pakialam
kung matapakan ang
bawat gunitang
sumagi sa isang
walang buhay na kawalan

kelan ba ako magigising?

Thursday, July 1, 2010

paglisan



bakit kayhirap sabihin
ang katagang "Paalam na"

nag-iiwan ng madaming
tanong na "Bakit"

kailangan ko bang sagutin
ang samut-saring tanong?

kailangan ko bang tuluyang
buksan ang lagusan upang
masilayan ang yungib na
tanging paniki lamang ang
naghaharing makipag-ulayaw
sa kapwa nila'y paniki

kailangan ko bang tuluyang
ipagaspas ang mga pakpak na
buong buhay ko'y kanlong ng
isang kwadradong hawla

kailangan ba?

kailangan ba...