Tuesday, September 29, 2009






ondoy

namatay.
mukha ng telebisyon.
nalunod.
namatay.
pahina ng dyaryo.
natabunan ng putik.
usapan sa elevator.
narekober sa kanal.
frontpage sa internet.
international aid.
bisita sa pampanga.
pledge ni kris.
kritine nasagip ni chad. si erap namigay ng relief
nagpakawala ng tubig sa pantabangan dam.
isang pamilyang patay sa loob ng bahay.
sanggol sa paanan ng bundok.
isang dalagitang patiwarik sa kawayan.
isang pamilyang nakasakay sa salbabidang
sa yerong nakikipagkarerahan sa agos ng
baha mula sa barangay silanganang napadpad
sa marikina river hanggang sa nilamon ng
rumaragasang baha sa tulay.
makikinig at manonood na lang ba tayo?

Thursday, July 23, 2009



tahanan

wala na ang itay. wala na sya,
matagal na. namatay s'yang hindi man
lamang narinig ang unang utal ko pa-pa, ma-ma.
ang unang hakbang. ang unang kasawian.
ang unang...
magmula noon ang inay na ang naging buhay ko.
ang sentro ng aking kamalayan. ang sandigan ng lakas.
ang puso't isipan. ang aking tahanan.
matapang ang inay. matapang na matapang.
hindi siya umiiyak. ayaw nya ng taong umiiyak.
dahil para sa kanya ito'y simbolo ng kahinaan.
hindi sawi si inay. lahat nakaya nya. ang hirap.
ang sakit. ang pighati. namuhay s'yang ang sentro
ay kami. kung paano mabuhay at kung paano
maitataguyod sa pag-aaral. masipag ang inay.
masipag na masipag. ginagawa n'yang araw ang
gabi. matiisisn ang inay. tinitiis nya ang sakit sa likod,
ang kasu-kasuan. ang ulo. ang balakang. sa buong
katawan. lahat tiniis n'ya para maigapang kami
sa pag-aaral. para may maipantustos.
edukasyon ang panuntunan sa buhay ng inay.
ayaw nya ng hindi kami nag-aaral. ayaw nyan di
kami makapagtapos. ayaw nyang mangyari sa amin
ang landas na pinagdaanan nya. Na nang dahil sa
kahirapan sa buhay ay di nakapag-aral ng high
school at college.
ayaw nyang mapariwara ang aming buhay.
ayaw nyang maranasan namin ang pangungutya.
ang di pantay-pantay na pagtingin sa antas ng
edukasyon. ayaw nya kaming maghirap.
dahil para sa inay tanging edukasyon lamang ang
susi sa pagtupad ng aming noo'y mumunting pangarap
pa lamang hanggang sa tuluyang mabuo.
hindi palaimik ang inay.may awtoridad ang kanyang
boses. ang salita'y pinal. palamasid.
mahal kami ni inay. hindi man nya hayagang masambit
at ipakita'y ramdam nami ang kanyang pagmamahal.
ang pag-aaruga. ang pagkalinga.
ang kanyang pagmamahal ay nasasalamin sa bawat
pawis na umaagos sa kanyang noo'y tuwing nasa tumana.
Ang bawat kilos sa sakahan ay higit pa sa utal na mahal
sa amin. umuukit sa amin yun. tumatatak at nag-iiwan
ng kamalayan sa mura naming isipan upang maging
sandata at salamin sa pagtahak ng landas na aming
tatahakin. bihira kong makitang ngumiti ang inay.
mahilig syang humingi ng kape pagdating mula sa
sakahan. iba ang inay. kakaiba sa ordinaryong nanay.
gusto kong sumaya si inay. dahil ang kasiyahan nya'y
kasiyahan ko din. dahil sya ang aking lakas. ang
nagbibigay kulay. ang buhay nya'y nagmumulat sa
amin ng pag-asa. ng pangarap. ng determinasyon.
dahil siya ang aking inay. sa kanya ako humuhugot
ng lakas. ng inspirasyon. ng gabay. ng ilaw.
dahil siya ang aking tahanan.
ngayon at bukas.



Paparibod

Gapanaw. Luway-luway. Nakasukong.
Gatanaw sa mga batong natuntungan.
Sa aspaltong kun boot ikan mga graba.
Oho, aram ko yon. Mga traysikel, awtong
naga-aragi sa ako. Brrrmmm...(2x).
Ki...kik...ki....kik(2x). Asa higad man ako.
Right lane. Mi man nila ako magigilis.
Masasagi. Ma-oongahan.
Aram ko. Maski nakasukong ako.
Aram ko kun mabubungo na ako.

Ano daw ikan na sinugnad sa Boarding House?
Aram mi pa ta solo-solo ngani ako doon.
Pero baad nag-abot na si Tang Erning tapos
si Bador. Baad nakasugnad na lamang sila.
Isip-isip. Siyempre. Ta kun mi pa makaon na
sana ako sa luwas. Doon kila Paring na sana
ako mangodto.

Gasukong. Igasipa yo batong nanagbuan.
Panaw. Sige. Panaw. Tukad ning dwagi tapos
liko. Diretso. Dire-diretso. Liko. Boarding House.

Hay salamat. I'm home. Gakanta. Baga yo asa
Snow White & The Seven Dwarfs. Gakanta.
I'm home..I'm home...I'm home..I'm home....

Dire-diretso sa loog ning kwarto. Gaapura.
Gapalatak yo tunog ning sapatos sa semento.
Dire-diretso. Tinulak. Tinulak yo purtahan. Mii taho.
Apura. Binutang yo gamit sa pangawhang
palapag nin double deck na higdaan.H'mmm.
Hamot. Gaprito. Data ikan taho. Luwas, dire-diretso
sa kusina. Hay salamat. Ikan na pagkaon.
Pangodtohan. Makaon na 'ko sa wakas.
Nagutom na pa naman yo bulate ko.
Makaluwas daw. An init. Kaininit. Ontad.
Pasalampak. Apurado. Makusog yo yunog nin
ontad sa monobloc chair. Kinuha yo dwaging
ontadan. Binutang sa atubangan. Nagginhawa.
Dawhang beses. Kinuptanan yo sintas ning
walang sapatos. Tinangkas. Mula sa cross sa
itaas pababa para magluwang. Yo walang
kamot naka-alalay sa bitiis, yo sado gakupot
sa sapatos. Sa parteng rapa-rapa. Tinangkas.
Hinangot yo sapatos. Tapos binaba. Hinari yo
medyas. Mula bitiis papunta sa bukong-bukong.
Pababa.
Hanggang mag-abot sa gogog. Pinagpag.
Dawhang beses. Hinangot. H'mm..h'mm.
Mi pa man. Mi pang hangop. Kuros yo siki.
Yo linya ning medyas nakatatak pa. Baga
dinuunan. Maputi. Narisa pa yo dugang na
foot powder na binutang kabagong aga.
Hinimas. Luway-luway. H'mm. Tapos na 'to.
Malipot. Naghangin pano tapos nagtapok
sa siki ko. Di bale. Nilapag sa dwaging untadan
na asa atubangan niya. Yo sdo naman.
Parehas man sa enot na siki. Hinangot. Mi pa
man hangop. Nsgginhawa. Huray.
Binaba yo sapatos. Tapos,
"Buds, makaon na. Mara na ta nakaluwag
na kami tuyan"
Hay salamat. Tsibugan na. Tindog. Kinuha
yo tsinelas. Panaw. Dire-diretso sa lamesa.
H'mm. Siram.

Masiram talaga.


tukad

nagtukad

apad
na
as
ri
pa
sa

naglusong

sa
pampang
sarog
libtong

nagsuroksamgagabonsakaawotan
naninahan
nasarugsugan
nati
banlas

TINDOG!
kaya ta tuyan
diretso...
maka-abot man kita yan d o o n
pagparkagamo
diretso sana
ta pag-abot ta doon
biyo na yan

Pahingaro.


Te'te-a'-te'te

ni minsa'y di mo nawasak
ang burak na karimlan at kasukdulan

ni minsa'y di mo naantig
ang laman na tigang na uhaw

ni minsa'y di mo nasisid
ang kabibeng singtamis
ng burak ng bubuyog

ni minsa'y di mo nalusong
ang bangin nang lumot na lagusan

ni minsa'y...

Tuesday, July 7, 2009




spillway

isang kalawanging lata
ng sardinas na may bulateng
dahan-dahang gumapang
sa gilid tangan ang itim na
lupang mula sa ilalim ng
kulungan ng manok sa
likurang bahagi ng bahay

isang dosenang bingwit
na yari sa isang metrong
kawayang mula sa dulo'y
nakalawit ang pisi ng nylon
na tila ahas na nakapulupot
sa puno na sa dulo ay ang
makamandag na pain

isang pares ng pudpod
na tsinelas na naglalakad
sa paliko-likong pilapil
kasabay sa minsa'y
pagtiklop sa mga bulateng
nagpupumiglas maka-alpas
sa bibig ng kalawanging lata

itinukod sa lupa paitaas
ang bingwit na nakalambitin
sa ere ang nylon sabay dura
sa paing bulate tsaka ihinagis
sa tulog na spillway at dahan
dahang itinungod ang dulo
ng kawayan upang mas
malalim ang paing sumisid
at iwagayway ang pain

isang pares ng matang
nakikiramdam sa kilos at
galaw ng nylong nakakabit
sa kawayan senyales ang
paunti-unting lagaslas at unat
sabay hawak sa kawayan na
tila estatwang bilang ang
bawat sasal sa dibdib na
ang mata'y nakatutok sa
galaw ng nylong mula sa
pulso'y biglang pwersang
hatak sa hanging lumambitin
sa nakasabit sa pain
ang huling tilapia.

may ulam na kami
mamayang gabi.



panaghoy sa suba

isang pares ng paang
nag-uunahan sa paghakbang.

isang daang nahulma ang anit
sa araw-araw na dinaraanan
ng mga pares na pagal na sakong

kulay pulang lupa't kalahating
metro ang anit na natabunan
ng malagong damuhan ang gilid
na nag-aanyaya ng pagsulpot
ng animo'y pangamba.

nagsilbing uyayi ang
huni ng didit at adodore
sa nagtataasang kahoy

tila adorno ng santacruzan
ang mga kawayang
nagsumiksik na naghulmang
tinik na korona ni Hesus

naglakbay ang giya
patungo sa talampas
kasabay ng mga pagaspas ng
tuyong dahon na tila konsyertong
pumupukaw sa malamig na
kwebang nababalot ng kadiliman

habang nagpupumiglas
ang liwanag mula sa siwang
ng mga patay na sangang
kahoy kasabay ng pagluwag
ng takot ang tinig ng tubig
na nakikipagsayawan sa mga
puno ng sasa senyales na
ang tubig dagat ay muling
makikipagniig sa mga
tolya't talaba ng suba.

Sunday, July 5, 2009



tatse

hinagis pataas ang dalawang pisong
baryang hugis parol na may walong
mukhang nagsilbing pamato

habang ang mga mata'y nakatutok
sa dalawang mukhang umiko't-ikot
sa ire hanggang sa tuluyang higupin
ng malamig na konkretong nagsilbing
patyo ng simbahan

humalik ang mukha ng kalabaw
sa lubak na semento habang ang
puno ng niyog ang nakalitaw

sa dulo ng natatalukbungang bubong
ng maliit na kapilya may iginuhit na
isang linyang mula sa nauupos na chalk
na ninakaw sa pisara ng eskwelahan.

isa-isang hinagis ang pamatong
magsisilbing pamato

tantiyado ang bigwas ng kamay
pigil ang hiningang habang ang
isang mata'y nakapikit at sinisilip ang
linyang magsisilbing giya kung sino
ang unang titipa sa walong bente
sengko sentabos na taya sa parisukat
na nililok ng chalk.

una-unahan sa pagtipa ng
walong mukaha ng pamato
tinatanya kung aling bahagi ang
magsisilbing pwersa sa pag-usog
ng barya sa parisukat na hugis

hanggang sa tuluyang
maubos ang walong barya
kasabay ng mga marka ng talim
ng dulo ng dalawang pisong
armas upang magupo at
maangkin ang walong bente
sengkong nagsilbing preso at
pambayad sa mga hagupit
at sugat na idinulot sa
sementadong kapilya.

Tuesday, June 30, 2009



miyerkules

wash day bukas
maisusuot ko na naman
ang original kong T-shirt
na Burberry, ang pantalong Guess
na regalo sakin ni 'tol galing tate,
ang limited edition na LV
na sapatos na padala
ni erpat mula London, ang medyas kong
Topshop at ang
brip kong Armani Exchange.

wash day bukas,
sana palagi na lang miyerkules.


hunos

habang minsan
ang daluhoy ng paglisan
ay di mabilang sa ulap.

nagmamartsa ang samot-saring
bakas ng kahapon.
binabalikan.
binabangon ang kahapong
minsang nagdulo't
ng luha't pasakit
sa pagal niyang puso.

nangangalumbaba ang hunos
na palaot na magbubukas
sa isang pusikit na karimlan...

upang lubos na malasap
ang kadiliman.


burgis

nagbabadya ang kanlurang umulan
makulimlim ang ulap sa silangang bahagi

naglalakad ang itim na belong ulap
papasakop sa papawirin
matulin na animo'y nakikipagkakrerahan
sa liwanag na siwang
na lang na anino ang pilit
na nakikisilip.

malakas ang pwersa ng kanlurang ulan
unti-unti na n'yang naaabot
ang dulo sa hilaga at katimogang
bahagi.
unat na animo'y magkakatabing-usok
na namuo sa kalangitan.

eto na!
nararamdaman ko na sa bukas
kung balat ang pagbulusok
ng kumpol-kumpol
paunti-unting pagbuhos
ng ulan.

mula konti hanggang tuluyan
na nitong diligin ang
mapagpalayang kapaligiran.

ewan kung kelan matatapos
ang kanlurang ulan.
Alam ko titila rin eto
at kusang babalik.

hindi ko nga lang alam
baka sa makalawa
baka mamaya
baka bukas
ewan...

Monday, June 29, 2009



metropolitan

mula sa kung saang liwanag
iwinagayway nya ang kurtinang humawi
sa siwang ng liwanag na kanina pa'y
nakikipagpatenteruhan sa hanging
paunti-unting sumisilip sa entablado.

kasabay ng mga langitngit ng kahoy
at huni ng ibong napapalibutan na
tila baga'y nag-aanyaya at nagsasabing
magsisimula na ang isang malaking
palabas.

Habang ang simoy ng hanging
nagbibigay ng kakaibang pakiramdam
nagpapahiwatig ng isang lugar na miminsan
di man lang malingunan at mabisita ng mga
manonood.

Nakikiramdam ang paligid
ang katahimika'y nagdudulot ng
isang libong kasawian,
nagbabadya ang silangang papawirin ng
senyales na ang unos ay paparating.

nagawitan ang mga ibon
sumayaw ang mga kurtinang napagod
sa kakasilip sa siwang ng bintanang kapis
lumipad ang mga agiw sa
kisameng nagsisilbing chandelier
nawalan ng kapit at lakas ang mga tuyong
dahong nagsilbing adorno sa bilugang
bahagi ng entablado
kasabay ng paunti-unting pagbulusok
ng mumunting diyametro ng ulan
ang pag-asang muling aawit
at liliwanag ang minsang tinaguriang
tahanan ng bituin
ang metropolitan.

Sunday, June 14, 2009



sakahanduanes

simputi ng perlas at
kinang ng bituin ang
abuab sa Catanduanes

sing-itim ng uling at
labo ng putik ang
inaagiwan na budhi

singkinis ng hibla at
lamyos ng silhuweto ang
tabas ng abaka sa Norte

singgaspang ng buni at
tigas ng bato ang ganid
dito sa Timog

singhaba ng habi at
singtibay ng uway ang bawat pasing
hinugot sa tugod ng sakahan

singliit ng tungaw at
singrupok ng nakababad na kahoy ang por kilo
katumbas ng sikad at usong ng magsasaka

singdami ng uhay at
singsidhi ng supnit ang
bawat impit sa angkla ng butungan

dumaraing sa sakit
ng hinaing ng pagpapakasakit.
Makikinig na lang ba tayo?


Ilog

Tatlong pares ng paang sumisisid
sa maitim na ilog.

kulay uling na yupi-yuping
retasong yero, kalawanging
arinola, baling tubo na pasungawan
sa poso-negro, sumbrero ng pulis
(kulay-ilog), biyak na plywood,
paspas na sipit ng tsinelas na kulay
bughaw.

Tatlong hubad na dibdib na katawang
nakikiayon sa agos ng tubig.
Hakbang na alam na alam ang
direksyon ng paa kung saan meron.

Patpating dibdib, pusyaw na
balat, walang lapis at papel na
mababanaag sa kanyang mata.

Naghihintay sa daungan ang
barkong styrofoam sa loob ng
binugkos na sako na sa unahan ay
ang timong goma na magsisilbing
giya sa kanyang paroroonan.


ferry boat

sa bawat usad at ikot ng timon
sa bawat along sumalpok at humalik sa tagiliran
sa bawat singaw ng init at sangsang ng amoy
sa bawat dikit ng punit at sagi ng dibdib
sa bawat likot ng hinaharap at umbok ng suso
sa bawat imbay ng balakang at indak ng katawan
sa bawat padyak at hakbang ng paa
sa bawat duyan at kumpol ng mga along humampas
sa bawat hapdi ng alat na walang habas makipagniig sa hubad kong dibdib
sa bawat bagyong aming sinuong sa paglayag
sa bawat unang sinag ng araw na lumipas

malaya ko pa bang maaaninag ang pier
na aking dadaungan.


tsismis

hindi ko alam
basta nakikita ko
bawat bibig nila'y
nakabuka.
bawat kamay
nakakumpas
mga matang
umiikot.
nakatalukbong na
siko sa mesa.
ngingiti...
tataas ang kilay
maya-maya'y hahampasin
ang balika't ng katabi.
(ewan ko pero
nagtataka ako)
para silang mga
inahing manok
na putak nang
putak. Ewan ko
pero nagtataka
ako kung may
katuturan nga
ba nag bawat
salitang lumabas
sa kanilang bibig
na alam kong
wala naman.
entablado

ilang oras na lang
muling bubukas
ang telon.


ilaladlad ang
makapal na kurtinang
nagsilbing takip
sa mahabang "screen".
ramdam ko ang kaba
sa muling pag-apak
sa malamig na semento
sa entablado.
muli kong maririnig ang mga tinig
ng manonood.
humihiyaw
bawat isa'y
pumapalakpak
sa bawat eksenang
inilalahad.
lahat may mga
sariling paborito
sa kung sino ang may
kakaibang pagganap
sa karakter na kanyang
ginagampanan.

naririnig ko pa rin
ang pagtipak ng
malaking relong
nakasabit sa
"backstage", maya-maya'y
tinawag kami at
sabay-sabay naghawak
kamay at bumuo ng isang bilog.

tumungo at humiling
na gabayan ang aming
palabas, kaipala'y
unti-unti nang bumubukas ang
maliwanag na entablado
hudyat na magsisimula na
ang palabas.

Thursday, March 5, 2009

hangos

nakatanaw sa kawalan
nakatingin sa bawat along
humahampas sa paanan
nang pagal n'yang binting
humulma pa ang disenyo ng medyas
sa maghapong nakakulong
sa masikip n'yang chuck taylor
na sapatos...

kanina'y...
di n'ya alintana ang lamyos ng hanging
unti-unting humahalik sa maputlang paa
habang dali-dali n'ya itong hinubad
patungo sa gilid ng dalampasigan.

habang tuluyang nilamon ng hangin
ang mga paang anim na raang minutong
nagsumiksik sa makipot at madilim
na bartolena.

kanina'y...
dahan-dahang bumulusok sa maitim
na buhanginan ang paang nagpugay
muna sa pintuan ng karagatan bago tuluyang
kinain ng maliliit na buhanging nagbibigay
nang kakaibang init na tumatagos
sa kaibuturan taliwas
sa bartolena.

kanina'y...
habang umangat bumaon
ang pagal n'yang paa sa pintuan
patungo sa rurok ng ilalim
ng malilit na buhanging
nagdudulot ng init na tumatagos at
nangdadarang hanggang sa tuluyang
mapagod sa paulit-ulit na
tila bagang mga alon ng dagat na
sumusunod sa lakas ng hanging
di alintana ang mga hampas
kung saan at kung kanino
hahalik ang pagal
na paa.

ngayon...
habang makailang beses mang
tila mga uhaw sa paghalik ang mga piping
along nag-uunahang makadampi sa
nangungulubot na paang sanhi ng mga
buhanging walang habas na nakipagsabayan
sa indak ng along ewan kung saan
dadalhin ang pagal na paa hanggang sa
sumalampak sa isang punong inanod
sa gilid ng dalampasigang
nag-aanyayang iwagayway at
iwagaswas ang paang kanina'y nakikipagharutan
sa takbo ng panahon.

tahimik ang dagat.
walang along nakikipagpatinteruhang makarating sa pampang.
pumipito.
humahangos.
kasabay ng pagwagayway ng paang naghihintay
sa kung kelan parating
ang alon.

Thursday, January 8, 2009

gutay-gutay

minsan di mo maisip
na habang ang mga maiitim
na ulap ay pumapailanlang sa langit
at kapagdaka'y tuluyang
manghaharabas...

pumailanlang ang galit
sa mga ganid na taong
nagpapahirap sa mga mahihirap
na mula sa kalawakan ay tanaw
nila ang bawat kilos at pagpapakahirap
ng bawat indibidwal upang mabuhay
sa isang normal na buhay
na kapagdaka'y aabusuhin
ng walang kapararangan
ng mga ganid na namamahala
sa kanilang karapatan
na ewan kung kelan ang
araw na tuluyan na nga ba
silang mapapalaya sa isang
gutay-gutay na kapaligiran,
gutay-gutay na bansa at
gutay-gutay na buhay.