Tuesday, July 7, 2009




spillway

isang kalawanging lata
ng sardinas na may bulateng
dahan-dahang gumapang
sa gilid tangan ang itim na
lupang mula sa ilalim ng
kulungan ng manok sa
likurang bahagi ng bahay

isang dosenang bingwit
na yari sa isang metrong
kawayang mula sa dulo'y
nakalawit ang pisi ng nylon
na tila ahas na nakapulupot
sa puno na sa dulo ay ang
makamandag na pain

isang pares ng pudpod
na tsinelas na naglalakad
sa paliko-likong pilapil
kasabay sa minsa'y
pagtiklop sa mga bulateng
nagpupumiglas maka-alpas
sa bibig ng kalawanging lata

itinukod sa lupa paitaas
ang bingwit na nakalambitin
sa ere ang nylon sabay dura
sa paing bulate tsaka ihinagis
sa tulog na spillway at dahan
dahang itinungod ang dulo
ng kawayan upang mas
malalim ang paing sumisid
at iwagayway ang pain

isang pares ng matang
nakikiramdam sa kilos at
galaw ng nylong nakakabit
sa kawayan senyales ang
paunti-unting lagaslas at unat
sabay hawak sa kawayan na
tila estatwang bilang ang
bawat sasal sa dibdib na
ang mata'y nakatutok sa
galaw ng nylong mula sa
pulso'y biglang pwersang
hatak sa hanging lumambitin
sa nakasabit sa pain
ang huling tilapia.

may ulam na kami
mamayang gabi.

2 comments:

  1. Baliwasnan, bulateng at laway kapalit ng isang tughod, tilapya o biya.

    Mahirap magkaykay ng bulateng, pag walang sumibad, pwede ng iulam ang bulateng.

    Mas madaling mamiwas kapag bumaha. Kapag malabo ang tubig at gutom ang mga isda sa spillway

    ReplyDelete
  2. hindi ko alam ang ibig sabihin ng baliwasnan at biya.
    madali lang magkaykay ng bulate. depende s anong klase ng lupain sa inyong lugar. mayaman ang lupa sa amin kaya madaling magkaykay ng bulate.
    hindi pa ako nakakakain ng bulate. sa amin naniniwala kami na ang bulate ay pagkain ng manok, ibon at pamain sa pamimingwit.
    kapag baha kulay putik ang tubig at malakas ang agos. binabawalan kaming mga bata na lumabas ng bahay. ang ibig mong sabihin ay bingwit na mahaba ang nylon. iyon ang gamit nang pamimingwit ng matatanda sa min. sa isang ordinaryong bata ang maliit lang ang kaya nyang magawa. at sa gilid lang ng ilog/lawa sya pwedeng makapamingwit.

    salamat sa komento.

    ReplyDelete